Tagumpay ang 1st Mayor Luisito Marty Literary Arts Fest! Congratulations sa lahat ng aming participants, sa mga teacher/adviser nila, kay Mayor Marty at siyempre sa kapwa ko mga facilitator: Weni, Jing, Mar at Rita. Bagama’t maraming little kapalpakan na nangyari mula pa lang sa pagsakay namin ng bus papuntang Sta. Cruz, Zambales hanggang sa isang group presentation na nag-overtime ay nairaos pa rin nang maayos ang aming arts fest.
Bayaan n’yong ikuwento ko ang ibang mga nangyari.
Gabi ng Biyernes, pagkatapos ng MA class namin ni Weni, pinaxerox namin ang mga certifcates ng participant sa Philcoa. Gumastos pa ako sa pagpapaprint nito at ang papel na ginamit ay special. Kumpleto ang certificates: participants, awardees at facilitators. Tapos umuwi kami ng bahay ko para mag-empake. Pagdating dun, naghihintay na si Rita. Ipinakita niya ang mga cover ng magiging literary folio ng mga participant. Ang ganda! Me picture pa naming lahat sa back cover. Pinagsama ang certificates at covers. Tapos tumawag ako ng taxi at kami ay lumarga papuntang terminal. Pagdating sa terminal, 11pm pa lang (12midnight ang last trip pa-Sta. Cruz), puno na ang mga bus. Dahil naranasan na naming maubusan ng upuan last time at tumayo nang ilang oras hanggang sa me bumabang pasahero, naghanap ako ng ibang masasakyan. Me van sa labas ng terminal kaso P5000 ang singil. Nye. Kahit ibenta ko ang puri ko, hindi aabot dun ang pera namin. Pagbalik ko sa mismong terminal, me mahabang pila sa cashier at nakapila dun ang mga kasama ko. Magpapabiyahe raw ng extrang bus pa-Sta. Cruz. Yipee!!!! Solb!
Sabado, 5am kami nakarating sa Marty ancestral house. Nakatulog kami till 7:30am. E, lima kami plus EJ, e, di anim? Versus one kubeta slash paliguan! Waaah alas-nuwebe kami nakarating ng venue! pagdating dun, agad na hinati namin sa 5 groups ang mga bata. Marami rin ang late dumating dahil bumabagyo yata nung time na yun. Nagclose-open pa nga ang mga flourescent lamps dun sa venue nung tanghali. Tapos workshop na umaatikabo. Wala nang break-break. Ke lunch time, tuloy pa rin sa pagkatay ng mga akda. Kulang na kulang kami sa oras. Ang nangyari, lahat ng group may na-miss na workshop sa at least isang genre. Hindi na nagkaroon ng time ang mga bata na irevise ang kanilang akda. Pinagkokokolekta na namin ang mga iyon at nagmeeting kaming facilitators hanggang mga 10pm (ako, logtu na, sila nagpatuloy pa) para piliin ang mga akdang ipapasok sa folio. Ang napagkasunduan: bawat isang bata, isang akda. So mga 50 akda ang laman ng folio. Halimbawa, maganda ang tula niya pero hindi maganda ang kuwento niya, iyong tula lang ang mapapasama sa folio. Kung parehong maganda, pipili ang mga facilitator kung saan mas magaling na genre ang bata. E, ang problema, me mga batang tansan lang yata ang ipinangsahod nang magpaulan ang diyos ng talent sa creative writing. Ay hindi tansan, baka contact lens. Ayun.
Since, mahahaba ang ibang genre (creative non-fiction, fiction, children’s fiction at dula), pinilit (nakow, katakot-takot na kumbinsihan ang nangyari, ‘kala n’yo dahil talaga ring ayaw kong ipasa ang mga tula ng ibang bata) akong iyong tula na lang nung mga sawimpalad na batang iyon ang ilagay. Iilan lang naman ito. Nung gabi, Mayor, kako, gusto n’yo na po bang pirmahan ang mga sertipiko? Sabi niya, o sige. Teka ho, sagot ko, kukunin ko. Tapos pumasok ako ng kuwarto namin, binuksan ang bag at nagdudumilat sa gulat, WALA ROON ANG MGA SERTIPIKO AT COVER NG FOLIO! Paktay! Naiwang nakahimlay sa mesa ng bahay ko! Pinakasumpa-sumpa ko ang aking memory. Putsa. Ang palpak talaga!!!
Lumabas ang iba’t ibang suggestion:
-tumawag ka sa isang kaibigan para kunin yon at ipadala sa bus sa victory terminal.
-umuwi ang isa sa amin, kunin ang naiwan at bumalik din agad sa sta. cruz, zambales. (12 hours all in all lang ang biyahe. Good luck sa tumbong ano?)
Tumawag ako kay Joji at sinabi ko ang problema. Mas masaklap ang suggestion niya: sabihin n’yo sa participants, ipapadala na lang by mail ang certificates. Noooooooooo! Sigaw ng isip ko.
Pagkaraan ng makapigil hiningang mga minuto, napagkasunduan naming maaga kaming gigising (lalo na ako) para ireproduce ang certificates at cover. Buti’t dinala ko ang diskette na may file ng certificate. Ako na rin ang mag-eencode ng ilang essay ng mga bata na dapat ay gagawin ni rita kaya lang kulang na siya sa time dahil gagawin niya uli ang cover.
Sunday, 6:30 am, bumangon na ako, walang ligo-ligo, pinahid ko lang ang panis na laway at muta (yes, nauna ang laway then muta, para masoften ng laway ang muta, eeeeoooow) at nagpasama kay Kuya Ken (ang local coordinator na kamag-anak ni Mayor marty, sa dugo at sa kabaitan) sa computer-an. Naglakad kami ng mga 2 minuto tapos pumasok sa isang container van na ginawang opisina. Me dalawang computer sa kaliwa, isang makinilyang kasingtanda ko yata sa kanan, me malaking office chair sa dulo’t nahaharangan ng isang ordinaryong table. sa magkabilang gilid e, may mahahabang mesang napapatungan ng mga logbook, folder, supplies at iba pang bagay na matatagpuan sa opis. Me mga upuan din. Parang fly by night na opis, ganun. Iyong computer na gagamitin ko, e, walang plug. So pinagkakakabit pa namin lahat. Tapos ayaw naman gumana. Tinawagan ni Kuya Ken ang nag-ooperate nun. iginala ko uli ang beautiful eyes ko. Saka ko napansin, ang nameplate na nakapatong sa ibabaw ng mesa sa dulo, Luisito Marty. Tapos me seal sa likod ng chair. Seal ng Sta. Cruz, Zambales. At me bandila rin sa gilid. Susmarya! Opis na pala iyon ni Mayor. Ang simple! Ang tanging luho na nakita ko, e, dalawang aircon.
Wala pa namang silbi ang computer kaya lumabas ako’t naglakad-lakad. Sabi ni Kuya Ken, malapit lang ang dagat. Kaya I decided to take a sneak peek. Paputa dun, nadaanan ko ang health center nila, ang PNB, ang SK office, ang Fire station, kulungan na mukhang maliit lang at lumang luma (mababait siguro ang mga taga-doon, walang nagkakasala). Humantong ako sa isang cute na tulay, iyong tipo na makikita sa mga park na pambata. Tumawid ako’t nakita ko ang dagat. Malungkot ito, kulay-lupa. Pero maligalig. Sinasampal-sampal ang mga bahay na nakatirik sa gilid. Masama talaga ang panahon nang araw na iyon.
Sirang breakwater ang naghihiwalay sa lupa at dagat. Malapit sa breakwater ay parang isang park. Pero hindi maganda kasi parang putik-putik at shapeless ang park. Mukhang napabayaan bagama’t sabi ng pintura, iilang taon pa lang nagagawa iyon. Me mga tables pa na gawa sa bato. Me mga nakalatag na damit dun. Me isang pamilyang nakatira sa gilid (dingding nila ang pader) ng parang maliit na coliseum o stadium. Nung namataan ko sila, nagsasaing ang isang babae sa kalderong kasinlaki ng mga cup noodles sa 711. Plastic cover lang ang panangga nila sa ulan. Tinutungkuran ito ng mga binaling sanga ng puno. May dumaan na magtataho. Gusto ko sanang bilhan ng taho iyong mga bata ng pamilyang iyon. Kaya lang baka mainsulto ang magulang. Hindi naman yata sila pulubi. (teka….meron bang pulubi sa probinsiya?)
Bumalik na ako sa opis. Gawa na ang computer. Maluwag lang daw pala ang plug. shet nang-istorbo pa kami.Tapos ginawa ko na ang certificate, me logo pa: iyong seal ng bayang iyon. Isa-isa kong pinrint kaya natagalan ako. Habang nag-eencode na ako ng mga tanaga, diona at iba pang tula ng mga bata, dumating sina weni, nagpaalam na magtataype sa isang internet shop. Sabay-sabay naming ginawa ang folio. Tapos naligo lang ako, balik uli. Lunch? Wala na. diyeta kaming lahat. Nag-ubos pa ng oras sa hitsura ng folio. Ica-cut ba? Ang butas ng puncher sa taas o sa gilid? Back 2 back ba? isi-xerox pa ba?
Finally nung nagkasundo, para kaming pabrika… assembly line, ganun. Mga anakpawis! Hahaha ako taga-print, si jing ang taga-cut, si rita, sinusulat pa ang speech niya, si weni taga-puncher, si mar, ang taga-final salansan. Si ej at ate mila, documentors ng namamayaning kaguluhan sa paligid, yung isa nagdo-drowing, yung isa, kinukunan kami ng retrato.
Dumaan ang ala-una (ang sinabi naming time sa mga bata). hindi pa kami tapos! Dumaan ang alas-dos, wala pa rin. Finally nung alas-tres, 2 hours, after our deadliest deadline, handa na ang pitong folio. Isa para sa bawat school na dumalo, isa para kay Mayor. Iyong isang walang cover, amin. Iyong iba naming kasama, umuwi muna para magchange costume. At ako, ang host, ay umuna na. Pagdating dun, nanonood ng star wars (o superman yata) ang mga bata. hahaha ang galing ni Kuya Paul (isa pang coordinator doon). Nag-umpisa na ako agad. Nakalimutan ko pang magsorry kung bakit kami late lahat.
Tuloy-tuloy naman ang programa. Ang tanging bagay na hindi namin na-predict ay isang lagpas-trenta minutong presentation ng participants ng isang school. isang dula (feeling namin full length ito!) ang itinanghal nila. Me nakakatawang points like, isang bading na humirit ng chuvanes. E, ang gumanap na bading ay isang napakatahimik na participant at mukhang bato-batong bata. pero nainip ang mga tao. Buti na lang sila ang last. Nang maibigay na lahat ng certificates, launch naman ng folio. Pinaakyat ang mga rep ng bawat school, ibinigay ang kopya nila ng folio. Tapos nun, tinawag na ang mga best sa iba’t ibang genre. Mukhang hindi inaasahan ng bawat estudyante ang kanilang award. Ganun naman ang pagiging manunulat, laging puno ng sorpresa, laging unpredictable. Iyong akala mong ang tipid-tipid magsalita, e, isa palang makata.
Closing remarks namin si Weni. Ang ganda nung sinabi niya, na sinabi rin yata ni Marisol, ang rep ng mga participants na nagspeech. It’s something like this: ang panitikan ang dahilan kung bakit malaya tayo ngayon. Ibig sabihin, ‘wag ‘to balewalain dahil malaki ang nagagawa.
Naalala ko tuloy bigla si EJ. Nung unang linggo namin dun, nagpabili siya ng sampung pisong komiks na parang libro sa tapat ng venue. 2 ang pinili niya: mga bugtong at……..noli me tangere!