Archive for December, 2006

kunwari-kunwarian

Tuesday, December 19th, 2006

weird ng mga tao. parang cool ang magpretend. halimbawa, kapag mahirap ka, mega bili ka ng mga bagay na may brand. kahit japeyks, basta magmumukha ka namang mayaman. example? pantalon na guess, iyong me munting triangle na baliktad sa isang bulsa sa likod, bag na lacoste, iyong me malaking buwaya sa harap, oakley na salamin at iba pa. at para patunayang mayaman ka nga, magsa-zagu ka at hindi iyong baby zagu ha, ‘yong grande ang size na katumbas actually ng isang meal mo sa araw na iyon, keber na ang kumain ng kanin at least nakapagzagu di ba? magbibitbit ka lagi ng mga imported na books na hiniram sa kaibigan, pataxi-taxi ka lalo’t maraming nakakakita sayo’ng papara ka ng taxi at iba pa.

tapos kapag mayaman ka, mega bili ka rin ng mga bagay na ginagamit ng karaniwan pa sa karaniwang tao tulad ng tsinelas na pangkalsada (iyong pinangbabato ng mga batang nagtutumbang preso), nauso rin dati iyong panyong checkered na ipinangtatali sa buhok (iyong ginagamit ng mga babaeng magbubukid) at para patunayan pa na masa ka, uupo ka sa gutter ng kalsada, sasalampak sa sahig sa eskuwela, makikisabay ka sa pagkain sa karinderya, magsusuot ka ng pantalong marumi at wakwak na’t naghihimulmol ang laylayan samantalang nakapila ang mga matitino mong pantalon.

itong pagpepretend na ito, usually e, halata namang pretension lang. madalas, mukha pa ring mahirap ang mahirap, mayaman ang mayaman. hindi ko alam kung bakit gustong gusto ng mga tao ang magkunwari.

guilty rin naman ako rito. kung magdamit ako, mukha akong mayaman. (pero kinakalong ko si EJ sa dyip para makatipid sa pamasahe). pag bumababa ako sa kotse ng jowa ko, taas-noo ako na para bang akin ang kotseng iyon complete with driver (pero actually nakisakay lang naman ako). kung minsan, nagsasalita ako na para bang matalinong matalino ako pag nasa labas ako ng up. sumisingit ako sa mga usapang intelektuwal. (pero pag nasa UP na ako, wala na, tiklop na dila ko)

reason ko kung bakit ako nagpe-pretend minsan? gusto ko hangaan ako. gusto ko kainggitan ako. yikes. masama nga, ano? pero minsan kasi iyon na lang iyong pagkakataon mong magcreate ng illusion para sa sarili mo. na once in your lifetime kinainggitan ka, hinangaan ka. nakakaboost din ng self confidence, bah!

pero masama nga iyon kasi hindi naman totoo. at minsan, gumagawa pa tayo ng paraan para ipagpatuloy ang paglikha ng ilusyong iyon. halimbawa, inuubos natin ang pera sa pagbili ng mga branded na bagay samantalang halos wala na tayong makain. napagkakamalan tayong masa, nakukuha natin ang simpatya ng masa but actually, hindi naman tayo masa. ang driver ng tatay natin, masa. at kakarampot ang pasuweldo ni daddy sa kanya. ang yaya natin since birth, yaya pa rin hanggang ngayon. wala tayong naidulot na kaunlaran sa kanya.

naisip ko, mare-relate ito sa bayan. nagkukunwari tayong maunlad. angkat tayo nang angkat ng mga cellphone. ang overpass, me escalator. kahit munting bata, nakakapagfriendster. nagkukunwari tayong matalino sa ingles. ang tatayog ng ating mga building. de laser ang mga gripo sa malls etc. etc. etc.

samantalang nagkalat ang mga batang alang sapin sa paa. nagugutom ang mismong mga taong nagpo-produce ng malalafang natin. iyong teacher sa estong sampay bakod elementary school, namamasa lagi ang kilikili sa init sa loob ng kanyang classroom na parang kaluluwa ni sharon cuneta sa isa niyang pelikula, gutay-gutay.

punyemas! pasikat kasi tayo e. pero ayaw natin harapin ang katotohanan. kasi masakit. masakit aminin na mahirap tayo. wala tayong pera. masakit isipin na kelangan unahin natin ang mga basic things bago tayo magsipormang lahat. mas masarap nga naman ang magpretend. at mas madali kesa iyong humanap tayo ng solusyon sa higanteng problema na ‘yan: KARALITAAN

isa pa. alam n’yo ba na me nakikinabang diyan sa walang katapusan, taas-noo nating pagkukunwari? ibalik natin sa tao. pag bumibili ka ng hot or cold japeyks na cologne ng benetton, sino ang kumikita? ikaw ba na bumibili? pag kumakain ka ng french fries sa mcdo habang tumatambay ka roon pagkatapos ng klase mo kasi maaga pa at baka me makakita sa’yo sa pagsakay sa ordinary bus, sino ang kumikita? ikaw ba? o ang dambuhalang food chain na MCDO?

bilang isang bansang nagkukunwaring maunlad, mayaman hmmmmm…mabango? pag nag-aangkat tayo ng mga bagay na ikagaganda, ikababango natin bilang bansa, sino ang kumikita? tayo ba? tayo?

sagot!

kung hindi mo alam ang sagot, utang na loob, ‘wag magkunwari.

Ninuno ko, religion at math sa aquatic world!

Saturday, December 9th, 2006

Nagscuba diving ako kahapon. Barges ang pangalan ng site. Dito sa SBMA sa Subic.  Ang dami kong nakita sa ilalim ng tubig!

Frog fish- Pangit ito grabe at hindi ko nga agad napansin kasi makulay ang surface kung san siya nakahimpil. E siya makulay din pero dull ang kulay niya. Bukol-bukol ang hitsura niya in short mukha siyang batong tinubuan ng mga bato pa. A…naku baka hndi kayo maka-relate sa description….A! Eto ang bakekang ng dagat!

Barracuda- mahaba at medyo payat na isda. Marami ang natatakot dito kasi ang defense mechanism nito e offense mechanism din niya: ang kanyang mga ngipin na singlaki ng ngipin ng tao pero matutulis. So ang barracuda, parang piranha na ini-stretch at pinapayat. Tapos silver ang kulay.  At me streaks ng itim. Nung una kong nakita, iisang piraso lang. hindi ako natakot. Naalala ko lang ang isang plastic na laruan ni EJ so napa-“aaa…barracuda pala ‘yong toy na ‘yon”…ako. Pero mayamaya lang, sa ibabaw ng barge, nakakita ako ng 3 barracuda. Inaaaaaaay… nakakatakot talaga! Kasi parang may aura sila na murderers ganun.

Stingray-eto yung hayop na mukhang mantaray. Wala rin kayong idea ng mantaray? Hmmm… ang hugis niya ay diamond na hindi pointed ang mga gilid. Tapos me mahabang buntot. Malaki rin ang kanyang mga mata at nakaangat from his flat face/back. Eto raw ang nakapatay dun sa australyanong crocodile hunter. So nung 1st time kong nakakita nito, napahigpit ang hawak ko sa kamay ni joji at nagswimming ako paitaas. Pero this time, parang sa sobrang dami nila (parang pusa, pakalat-kalat) hindi na ako natakot. Ako pa nga ang nakaka-spot sa iba. Nagtatago ang mga stingray sa buhangin. Pero ang weird kasi nga nakalabas ang buntot nito at mata. Tago? Asa pa siya? hahaha

Lion fish-nakakita ako ng dalawa. Medium sized. Mga 4 inches lang. tapos ang astig nito siguro kasi alam niya, poisonous siya. Kahit alam niyang me nilalang dun na hindi tulad niyang taga-atlantika, hindi siya umaalis. Ganun lang siya, parang naka-suspend sa ere at parang peacock na nakabuka ang kanyang mga “feathers” maganda siya tingnan kasi parang laging gulat hahaha

Clown fish na malalaki at maliliit-eto ang isdang nakikipagtitigan sa’yo. Sabi ni joji at ng mga tao niya, kung ang clown fish daw e lumaki ng mga isang dangkal, wala na sigurong divers. Kasi ang clown fish daw ay nangangagat ng mukha! Pero itong nakita ko e hindi naman ako kinagat. Pero yun nga nakikipagtititigan siya. Yung titig na parang inaalala niya kung saan niya ako nakita (clownfish: parang familiar ka…do we know each other?) tapos binulaga ko siya gamit ang kamay ko, mabilis siyang lumayo. Mabilis diyan siyang lumapit uli. Binulaga ko uli. Layo siya. Tapos lapit uli. Bulaga!  Layo. Lapit. Bulaga!  Layo. Lapit.

Aba! Kamag-anak siguro ito ng Boyoyong, ineentertain ako!

Nakakita rin ako ng clown fish na super liit. Ang cuuuuuuuuute! Kasinlaki lang ng kuko ko ganun. Tapos andun siya sa sea anemone na red and white and pink ang kulay. So ang ginawa ko, pinaypay ko ang “bahay” niya para lumabas siya doon.

Aba, ang galing. Andon pa rin siya. Paswimming-swimming sa loob. Tapos pinaypay ko uli, iyong mas malakas para tumilapon ang maliit na clown fish. Sus, wa epek! Andun pa rin siya samantalang hindi naman siya nakakapit sa anemone.

Naalala ko tuloy si  ej sa point na ito.

Ako: wag na wag kang lalabas ng bahay.

EJ: opo

Ako: kahit anong mangyari!

EJ: Opo

Ako: kahit may pumunta rito at sabihin, isasama ka papunta sa office ko.

EJ: opo

Ako: kahit na….

EJ: Ma! Oo na!

Siguro ganun din si little clown fish, sinabihan ng magulang na wag na wag lalabas ng bahay. So kahit siguro mala-electric fan ang speed ng kamay ko sa pagpaypay sa bahay niya, hindi lalabas yun. Ga-bebang din siguro ang nanay niya.

Black and white na isda-itinuro lang ito sa akin ni Joji sa gitna ng mga bakal sa barge. parang Dalmatians ang isdang ito. Though hindi nga lang puro spots kundi may streaks din na black and white. Tapos tumugtog sa isip ko yung kanta ni Michael Jackson, it’s black, it’s white! Dendendenden black or white!

Star fish-na hindi naman pala fish in the first place. Kasi sabi sa science book na pinagtiyagaan kung tagalugin para sa mga bata sa marikina public library, wala itong fins. Nakakita ako ng orange, blue, violet na starfishes. Usually  lima ang galamay niya. Yung nakita kong lima ang galamay, nakadikit nang patayo sa isang bato. Parang tao hahaha na nakadipa at medyo close pa sa isa’t isa ang mga “paa” nito. Naalala ko tuloy ang posisyon ni Jesus Christ na pinako sa krus. Siguro kung nakita itong star fish na ito noong unang panahon noong di pa uso ang star, tatawaging jesus fish ang hayop na yan. Nakakita rin ako ng starfish na apat ang galamay. Plus fish ang dapat na itinawag dito. Mukhang plus sign. Wow math under the sea!

Puffer fish-ang fish na ito ay mataba pero may pagka-square ang kanyang hugis. Parang kahon ang katawan niya at pag na-eexcite o nakakaramdam ng danger e nagpa-you guessed it-puff! Tapos magtatayuan ang kanyang mga “tinik.” Yung nakita namin e nasa ilalim ng barge. Hindi sinasadyang nadiscover ko siya noong sumayad ako sa sand portion ng barge at ayun nga siya, pakubli-kubli sa ilalim. Itinuro ko ito kay joji. Nag-ok sign siya. Matagal kaming nakipagtinginan kay puffer fish. Ang ganda ng mga mata nito. Ang laki kasi. Parang mata ng tao. Siyempre hindi intsik. Parang mexicano ganun. pero cool lang siya, hindi siya nagpuff.

Isdang parang butterfly-hindi ko alam hanggang ngayon kung ano ang pangalan ng isdang ito. Ako uli ang naka-discover sa ibabaw ng barge. Marami ring buhangin doon so naispatan ko ito na nakahimpil lang. para siyang nagdidisguise e. nakatiklop ang kanyang mga pakpak sa magkabilang gilid. Pinuntahan ko si joji na nasa likod ko at itinuro sa kanya ang isda. E hindi niya makita (hina na nga yata talaga ng mata hahaha) so lumapit siya nang lumapit sa kinaroroonan ng isda. Biglang binuka nito ang kanyang mga pakpak! Ang ganda! Grabe.  Para talagang butterfly. Tapos nagswimming siya palayo sa amin. Tapos lumapit pa ang isang diver na kasama namin. Tiniklop niya ang isa niyang pakpak pero ang isa nakabuka pa. then hindi ko na siya nakita. Sabi ni joji, tiniklop na rin daw ang isa pang pakpak at parang bala na biglang sumagitsit sa tubig. At ayun nga, magic, nawala!

Lobster-ang haba ng kanyang whisker! Akala ko tuloy malaking lobster. Mga isang dangkal lang pala. Dati kasi, nakakita ako ng pagkahaba-habang whisker mga isang metro, pero hindi namin nakita ang lobster kasi nasa loob sila (oo, sila kasi apat ang whisker, meaning 2 lobster) ng bato. Nananakam lang. nang-aakit.

Aba, kahit lobsters, aral sa art of seduction.

Sea cucumber-mukha itong isang higanteng uod. Iyong mga nakita namin e kasingtaba ng hita ko at mga kalahating dipa. Ang laki talaga. Tapos bago ako umakyat sa surface, inabangan ko itong gumalaw. Ang tagal kong naghintay dun. tapos nung paangat na kami na-realize ko, gumagalaw na pala ito. Nga lang, super bagal. Sabi ko na nga ba…ito ang ninuno ko. Hindi unggoy tulad ng sabi ni charles Darwin. Hindi usatulad ng sabi ng etsa puwera ni jun cruz reyes. Beverly Siy Cucumber.

At ang winner sa lahat: plastic ng sky flakes, tube ng toothpaste, neon green na straw at kung ano-ano pa-shesh oo mga pipol, me mga basura pa rin sa ilalim. So dapat talaga tayong magtapon sa tamang tapunan kasi napupunta sa ilalim ang mga tinatapon natin. Amen.