Archive for November, 2006

ang madukutan

Thursday, November 9th, 2006

 

Parang pakikipagbreak sa karelasyon ang mawalan ng
cellphone. At maraming beses ko na itong naranasan. Naholdap ako, tinutukan at
tinangay ang buo kong bag (kung saan naroon ang cell, wallet at undergrad thesis
ko, hard copy at diskettes nito). Nasiraan na rin ako ng cellphone kaya
kelangan kong ibalik sa pinaggalingan. nakapagbigay na rin ako ng cell sa
kapatid, isang beses, sa kaibigan pa ngang nangangailangan. at ngayon nga, nadukutan.

 

kung matagal mo nang gamit ang isang cellphone. As in matindi
na ang pinagdaanan nyo tulad ng naulanan na kayo, nalublob sa baha, nadapa sa
bako-bakong kalsada, napadpad  sa
mapanganib na lugar (nagkalat ang sanggano) at todo-proteksiyon ka sa cell mo, katabi mo siya sa
pagtulog, Minsan siya pa ang inaasikaso mo kahit kasama mo ang mga kaibigan mo, una
mong hinahanap ang cell mo pagdating sa bahay pag naiwan mo to. Pag ganyan
katindi ang attachment,  pag nawala tong
cell na to, talagang mararattle ka. lalo pa’t sapilitang kinuha sa’yo o dinukot
nang palihim. Magpapanic ka. magfa-flashback in 5 seconds ang lahat ng nandoon
sa cell mo: ang halaga nito sa buhay mo, ang P300 call card na kaloload mo lang
noong isang araw, ang mga forwarded messages na kahit 2 taon na e
hindi mo pa binubura kasi pampalakas ang mga yon ng loob mo, ang cost ng
cellphone mo. Lahat-lahat. Babalik sa isip mo in 5 seconds.

 

Tapos magsusumbong ka sa pulis para mawarningan ang iba. Pero
siyempre ang mga pulis wala naman talagang nagagawa kundi magsabi ng “oo, sila
nga ‘yon. Hindi lang namin matiyempuhan ang mga magnanakaw na ‘yan, e” at magpayo
ng: “‘ne, mag-iingat ka na lang sa susunod.” At pusta ko, magpapasalamat ka pa
kahit maluha-luha ka na. “thank you po, sir.”

 

Tapos pagtalikod mo, marerealize mo at matatanggap mo na
wala ka na ngang cell. Kahit pa ipinangako ni Police Inspector Akoangbossngmandurukotsobakitkopaibabaliksayoangcellmo,tanga?
 

na tatawagan ka niya pag nahuli ang mga maysala, tanggap mo
na: wala na, forever, ang iyong cell. Siguro sa susunod na lifetime, magkukrus
uli ang inyong landas. Posible. Pero not in this lifetime, pare. So better
accept the loss na lang, you know.

 

Sa una, maninibago ka. mami-miss mo ang cell mo. Minsan feeling
mo may cell ka pa rin. Pag me tumunog na toot-toot mag-aapuhap ka sa bag mo. Feeling
mo cell mo ‘yon. Minsan, maririnig mo ang ring tone mo kahit tahimik naman ang
paligid. Pag gagamitin mo na’t hinahanap na sa bag, saka mo maaalalang wala na
pala ito. iba na ang may hawak. Iba na ang humihimas at pumipindot dito. sa
unang gabi, sisisihin mo ang sarili mo. Ba’t kasi ang tanga-tanga mo. Of all
places, don ka pa mawawalan. Mapapamura ka pa. tapos magwiwish ka

sana

mamatay na ang nagnakaw nun. Mapapapikit  ka pa nang mariin. Kasi naiinis ka.
iniiiiiiiiiiiiis na iniiiiiiiiiiiiiiis. Naku, mamatay na

sana

.
Mamatay na. now na.

 

Tapos maiisip mo uli ang cell mo. Hindi ka patatahimikin ng
mga alaala nito noong magkasama pa kayo. Maiisip mo noong winawalang bahala mo
ito. minsan nababagsak mo kasi careless ka. minsan, binabato-bato mo na lang sa

kama

. Minsan, sinisiksiksik mo na lang sa bulsa ng
pantalon. Minsan nababasa ng ulan. Pero andiyan pa rin siya, pumapalya
paminsan-minsan, namamatay nang walang dahilan, nag-no no signal pero 99% of
the time, reliable naman. Maasahan.

 

Kung wala kang pera, hindi ka muna bibili ng kapalit. Makikitext
ka lang sa iba. Makikipindot sa cellphone nang may cellphone. Yung iba, willing
magpahiram. Yung iba hindi. “wala na akong load, e,” sasabihin sa’yo. Sasagot ka
naman ng, ok lang. sige kay ano na lang ako makikitext. Pero actually,
sinisigawan mo na siya ng DAMOT!!! sa isip mo. Secretly, nagsa-shopping na rin ang
utak mo. Tumitingin tingin ka na rin kung ano ang maganda at murang cell. Maiinggit
ka sa ibang may cell at sasabihin mo pa dun sa mayabang mong kakilala na,

sana

madukutan ka rin. Pero alam mo namang kahit pa madukutan siya, may kapalit
agad. Mayaman, e. hindi alintana ang mga ganyang uri ng magnanakaw. Cheap,
pare.

 

Pag bumili ka ng bagong cell, maeexcite ka. tutuklasin mo
ang features nito. nagpapalipas ka ng mga tatlong buwan bago tuklapin ang plastic
sa LCD. Tapos susubukan mo lahat nang nasa menu. Pipindot ka rin nang pipindot.

Aba

, siyempre bago pa ang keypads. Tapos
ipapamalita mo sa iba. Pero depende. Kung pangit ang cell mo, ipagkakalat mo
lang ang cellno. pero quiet ka lang sa brand at year model nito. kung maganda,
kukunin mo ang cellno. ng friend mo sa harap niya para mai-showcase ang bago,
kumikinang at amoy cellophane pa na cellphone. Kung maganda at mamahalin ang
cell mo, marami ang hahanga at maiinggit sayo. Kung pangit at luma na rin ang nabili
mong cell, pagkaawa, as in habag sayo ang mababasa sa kanilang balintataw.

 

Tapos siyempre paranoid ka na baka mawala uli itong
kasalukuyan mong cellphone. Ipakasisiksik mo ngayon ito sa full metal jacket este
bag mo. Itatali mo pa nga sa leeg minsan. O kaya iiwan na lang sa bahay, wag na
idisplay at baka manakaw na naman.

 

Tapos after sometime mamimiss mo uli ang dati mong cell kasi
nga kahit papaano maninibago ka sa pagpindot dito sa bago, sa pagtunghay sa
mukha ng bagong cellphone, minsan magpapalit ka rin ng charger. All in all,
marami talaga ang mababago. Bahagi na kasi ng pang-araw-araw na buhay ang
nawala e. tsk…

 

But, dear, me cellphone man o wala, ang life e,  parang show. it must go on. Hihinga ka pa rin,
kakain, iinom, maliligo, matutulog, mag-aaral, magtatrabaho, tatanda,
mamamatay. At tulad ng cellphone ang iba pang mga bagay sa buhay mo. Mabubuhay ka
kahit wala ang mga ito. so pag nawalan ka na nang lahat-lahat, dun mo marerealize, ang
pinakamahalaga pala, e, walang iba kundi ang hininga mo at ang willingness mo
na ipagpatuloy ang pagbuga at paghithit ng hangin, ng buhay.

 

Parang pakikipagbreak sa karelasyon ang mawalan ng
cellphone, korek? Masakit. Sa ulo, sa bulsa, sa puso. Pero sige, tuloy pa rin
ang buhay. Sus, para cellphone lang? at sabi nga dati ng nanay ko, sus, para si
________ lang?

 

Kaya tinatawag ko lahat ng ninakawan ng cellphone (at ng mga
jowa na rin), sabay-sabay nating murahin ang mga lintik na magnanakaw na yan.
at ipakita natin sa kanila, with a smile ha, na magpapatuloy tayo…..magpapatuloy!!!

 

Inhale…. exhale ….inhale….exhale…. Inhale…. exhale ….inhale….exhale….

ganito pala ang maging nanay

Tuesday, November 7th, 2006

ganito pala ang maging nanay. ang dami-dami mong matutuklasan sa sarili mo.

ako kasi, walang pakialam sa buhay ko. i mean, wala akong takot na mamatay. ‘yong tipong kung mabangga, e di mabangga. kung malason, e di malason. tapos! pero kaninang umaga, pag gising ko, at namulatan ko ang natutulog na si ej, ang natutulog niyang mukha directly opposite of my kagigising na mukha, parang kutsilyo sa katawan ng babaeng pinatay sa pelikulang Psycho na sumaksak sa isip ko: hindi ako puwedeng mamatay ngayon o mamya o bukas o next year o, basta sa hinaharap, kasi may EJ.

weird. pero ganito kasi, kahapon, dami kong ginawa.

1. nagpunta para magfollow up ng Dagdag Dunong projects sa Marikina

2. nag-UP para magbigay ng ia-upload na announcements sa panitikan.com (timing na timing kasi nagpasuweldo ang boss kong mabait, si eva)

3. nagpunta sa Guadalupe para magdeliver ng 46 novels ni Lualhati Bautista sa isang book shop na puro romance novels ang tinitinda at pinapaarkila. noong andun ako, mga 5pm, andaming customer ni Manong Edgar. puro babae. me estudyante, me lola, me mukhang nanay, me sidewalk vendor (naulinigan ko kasing nag-uusap sila ni Manong Edgar tungkol sa space ni manang sa gilid ng kalsada, ichichismis ko na rin sa inyo: starting next week daw, mag-aallot ng 1 square meter sa bangketa ang barangay at pulisya sa mga nagtitinda. me bayad ito P3000 per month tapos meron pa rin daw under the table na daily payment. sabi ni manong edgar, ito raw ay money making scheme lang ng mga taga-barangay at pulis…tsk…tsk…)

Nung nakita ko ang mga customer ni Manong, naisip ko, andami pa rin talaga ang nagbabasa. ordinaryong pinoy ito mga tsong. at kung gusto nga naman natin silang ieducate (i mean maging kritikal sa lahat ng bagay) sa pamamagitan ng kanilang past time, sabi nga ni anna sanchez, tayo, tayong mga manunulat ang magreach out sa kanila. baba ka muna sa toreng garing (ivory tower), dear fellow writer of the philippines, at umapak sa lupa. ‘yang mga grand and noble stories and poems natin, isulat sa paraang maiintindihan at maaliw ang nakararami. PERO SIYEMPRE, EASIER SAID THAN DONE.

magpapatuloy na lang ako. tuwang tuwa na ako nang maideliver ko ang novels kay Manong kasi mula pa lang umaga na nagMarikina ako, bitbit ko na ang mga novels na ito. in fact, mas marami pa sa 46 ang bilang nito pero suwerte namang nakabenta kasi ako sa UP (thank you uli, pagkataba-tabang sir jun cruz reyes at pagkagala-galanteng ilokanong si sir arnold azurin. thank you rin ke ging na kaklase ko last sem at sa mga napilit kong mga estudyante na bumili ng novel ni Lualhati.)

4. nagMarket! Market! ako para kunin ang libre kong kopya ng aking unang nobela, Mingaw. ang publisher ko ay Philsprint at meron silang office sa 4th floor ng Market!Market! Very accommodating naman sa akin si Obi, ang editor-in-chief nito na magreresign na raw in two weeks kasi…secret na lang.

Matagal na akong excited makita ang nobelang ito. aba, siyempre anak ko yata ang mingaw. kaya laking dismaya ko nang makita ang hitsura nito: manipis at parang newsprint lang ang papel at maliit ang size, malaki pa ang dangkal ko. mukhang tigsasampung piso lang sa bangketa. pero kung titingnan ang cover na erotic ang dating, gawa sa matigas at glossy na papel,  papasa namang kinse pesos. Pero putcha, wala naman yatang mag-aaksaya ng P90 (presyo sa national bookstore) sa ganung hitsura ng libro. sabi ni obi, hindi kasi pinoy dito ang talagang market ng literotika kundi ang mga OFW. Patay! sa isip-isip ko, e putcha anti-OFW nga ang Mingaw, e.

kaya eto, siguro lalakad ako nang paluhod habang nagrorosaryo sa Quiapo, pupunta ako sa Chinese Temple at mag-aalay ng insenso at prutas kay Buddha,  pupuntahan ko ang tatay ko sa Manila Memorial Park, gagawa ako ng maka-Diyos na tula, magfafasting ako, sasabayan ko ang 3 o’ clock prayer sa TV (promise hindi ko na ililipat) holy god, holy might one, holy immortal one have mercy on us and the whole world (repeat 3x)

baka sakaling maawa si God at paabutin niya sa sampu ang worldwide sales ng Mingaw.

nagdala na rin ako ng 25 kopya ng mingaw. consignment. so medyo mabigat ito. pero mas mabigat ang mga hakbang ko mula pa lang sa paglabas ko ng philsprint office. disappointed talaga ako. actually, me problema rin ako sa ganito. madali akong madisappoint. iba kasi ang tingin ko sa reality. ang taas ng expectation ko sa mga bagay-bagay.

example no. 1: meron akong naging close friend nung college at naging ka-lira ko pa. minsan akong na-dismaya sa taong ito dahil feeling ko hindi niya sinuklian nang tama ang taong tumulong sa kanya (hindi ako ‘yon, ha? iba pa. mataas na tao tipong pambansang alagad ng sining, ganun) hanggang ngayon hindi ko siya kinakausap. reason? disappointed ako sa kanya.

example no. 2: medyo mabigat. etong tatay ni EJ na akala ko e, ako ang kaisa-isang tao na nakapedestal sa puso niya whatever happens kasi ganito naman ang turing ko sa kanya dati, iyong tipong kahit pa magboyfriend na ako, o mag-asawa ako o whatever, me space sa puso ko na tanging siya ang may-ari. DA PAWER OP PERS LAB….until nagkakuwentuhan kami years ago (break na kami that time at malaki na rin si EJ) ganito ang naging takbo…

SIYA: alam mo, meron akong babaeng gustong balikan at makatuluyan. hanggang ngayon nafi-feel ko ‘to kahit me anak na siya.

AKO: (kinikilig-kilig pa ako sa point na ito kasi alam ko ang isasagot niya ay IKAW! sa itatanong ko>) Sino naman ‘yan?

SIYA: Si Jing. Naiisip ko nga siya lagi e. at nakita ko siya recently.

isinaksak ko ang bote ng beer sa bunganga ko para di ko siya ma-Pisting yawa! ang gago. gago talaga. e, putcha nung time na nakilala niya ang girl na ‘yon e, live in na kami. aylabyuhan nang walang humpay sa isa’t isa as in every 2.6 micro seconds. nagpapangakuan ng walang-iwanan-hanggang-kamatayan. nagsesex sa tuwing maririnig ang theme song naming forevermore ng side A kahit nasa kuwarto o sala o banyo o Mcdo man kami.

SIYA: akala ko kasi wala na tayo nun.

may time na umuwi ako sa bahay ng nanay ko kasi super hirap kami sa pera nun pero kami pa. Kami pa. icacapitalize ko pa para iemphasize ang point na KAMI PA. as in aylabyuhan pa rin nang walang humpay sa isa’t isa (every 2.6 micro seconds nga), nagpapangakuan pa rin ng walang-iwanan-hanggang-kamatayan at nagsesex pa rin sa tuwing maririnig ang forevermore sa kuwarto o sala o banyo o Mcdo man minsan Jollibee. at isa pa, may boypren ang Jing na ‘yon. eventually, napangasawa rin niya. tapos ngayon, sasabihin sa akin ng pagkacute -cute kong ex na si Jing ang nais niyang makita, makasama, makapiling sa habampanahon?

W-O-W.

SIYA: alam mo, naalala ko pa noon, lagi kaming nagkukuwentuhan at sabay na magmeryenda pag break time. nanonood pa nga kami ng sine.

napakapit ako sa mesa. sine? gago. grabe. gago ‘to, sa isip-isip ko. ginago na pala ako bata pa man kami. nadisappoint ako. matindi. sa kanya at sa pantasya ng first love. at sa love na rin mismo. Nung bata kasi ako, antaas ng tingin ko sa love.

first love never dies.

love conquers all.

in the name of love.

love ba dami love bango kay mr. clean… (ooppss…wag nang kantahin)

kaya, ayan. dati tinetext ko pa yan ng hapi berdey o meri krismas. ngayon, nungka.

so balik tayo sa mingaw. dismayado nga ako sa hitsura nito. pagbaba ko ng dyip sa Guadalupe, naglakad ako pa-MRT. nasira pa ang plastic ng dala kong mga libro so dalawang kamay kong buhat ito. ang ingay sa parteng iyon ng Guadalupe. nagkalat ang mga nagtitinda ng kalamansi, unan, sando ng bata, cover ng cellphone, tiglilimampisong baterya….palakasan ng boses ang mga barker ng dyip. amoy sunog na gulong ang paligid, ewan ko kung bakit. arangkadahan ang mga sasakyan. hindi kontento sa isang broom. kundi broooom…broooooooooooom parang gustong bingihin ang langit. nagsasanga-sanga ang mga tao.paroo’t parito. ang sakit na ng paa ko. pagod na ako. mabigat ang mga libro. walang zipper ang bag ko at baka madukutan ako. pero tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad. parang wala nga akong pakialam dun sa nakikita, naaamoy at naririnig ko.

ganon pala ang disappointment. minamanhid ka.

pagdating sa MRT, siksikan pa. sa mga ganong pagkakataon ko narerealize na may power ang katawan natin na lumiit nang 99.9% mula sa original size nito. pagbaba ng MRT, halos isang kilometro pa ang nilakad ko papunta sa sakayan ng dyip. tapos me trapik sa anonas corner sikatuna e once in a blue moon magkatrapik dun. so additional na lakad na naman. napagmasdan ko tuloy ang langit. kaya pala, e. Blue moon nga. bluer than blue. hay….nakauwi ako ng bahay, 8pm na at sinalubong ako ni EJ. nag-alala ako na galit siya o umiiyak kasi 6pm ang pangako kong uwi.

EJ: me ibibigay ako sa’yo.

tapos tinakpan niya ang mata ko at inakay ako papunta sa ref.

EJ: surprise!

dalawang spanish bread at isang brownies ang binigay niya sa akin. na-hipo ako. as in na-touch. kung sa ibang araw ko ‘yon natanggap, hahalikan ko lang siguro siya sa pisngi, yayakapin, magte-thank you ako, tapos na. pero ito, isang araw sa buhay ko na binugbog na naman ako ng isang unseen force tulad ng pagkadismaya, ang dating sa akin, e, pag-asa, pag-ibig at buhay, nagkatawang spanish bread at brownies. mga tinapay na handog sa akin ni EJ, ang anak ko. nilantakan ko na.

ang sarap. ng lasa at ng pakiramdam.