zambales lit arts fest
kagagaling lang namin ni EJ kasama ang mga writers ng hilakbot (na naging kaklase ko sa M.A. at eventually nagustuhan ang mga trip ng isa’t isa kaya friendly friends na kaming lahat ngayon) sa Sta. Cruz, Zambales!
2 araw kaming nagbigay ng lecture ukol sa creative writing at panitikang filipino sa mga 50 high school student plus mga teacher/adviser nila. ayos naman ang lectures kaya lang nakakapagod. ako nga, e, namaos. iyong mga nakakakilala sa akin, iisipin nila, imposible! si bebang, paos? e, putsa, yung lalamunan niyan, kasinglaki ng boom mike!
oo. paos ako. at ngayon nga e 2 days akong di pumasok ng work para makarecover kasi po me storytelling session pa ako bukas. tsk….
ba’t ba kasi ako napaos? ganto kasi ‘yon. 6 hours ang biyahe papunta sa sta. cruz, zambales. hindi kami nakatulog sa biyahe dahil sa walanghiyang driver ng victory na hindi yata marunong magmenor at kahit me humps e ganon pa rin ang speed mga 999km/minute. at kahit lumiliko siya, ganon pa rin ang speed. dagdag pa, sa likod kami nakaupo. e, di parang anim na oras na roller coaster ang biyahe, ano?
tapos pagdating doon, mga 530am, sinundo kami ni Mayor Marty. (naku totoo ito. napaka-down to earth ng mama. imagine, nung tinawagan ko sa bahay nila that madaling araw, siya ang sumagot. tapos dumating sa bus terminal, siya lang mag-isa, walang bodyguard-bodyguard. wala ring driver. pinagtitinginan nga kami ng mga tao sa terminal. "bah, sikat, sundo pa ni mayor!") tapos nagtuloy kami sa ancestral house nila sa tapat ng municipal park as in plaza. doon kami tutuloy for the duration of the fest.
ang charming ng bahay. naalala ko ang bahay ng mga kamag-anak kong Chinese sa Ermita, Maynila. dun ako lumaki sa bahay na ‘yon. ganun na ganun. malalaki ang bintana. mataas ang kisame. bilog din ang gawa sa kahoy na dining table. maganda ang bahay na ‘yon sa Ermita. kaya lang hindi maasikaso. ang laki kasi. 3 floors, mga pitong room, 3 cr, me tindahan pa sa harap. basta malaki. saka commercial ang area (along m.h. del pilar st lang naman, parallel ng mabini) kaya ma-polusyon so yung mga gamit dun madaling maalikabukan at mangutim.
Ganun din ‘yong ancestral house ni Mayor Marty pero mas maliit at mas mababa pero mas maganda naman kasi well-maintained. sa pag-akyat mo ng hagdan papunta sa mismong sala, may mga banga na babati sa ‘yo. at mga nakaframe na picture ng tourist spots sa norte (pagudpud, callao caves, banaue). akala ko nga, museum iyon. bulong ko pa sa friend ko, so ito-tour muna tayo sa museo nila bago dalhin sa tutulugan natin?
tapos ang kintab ng sahig. kung puwede lang, nagsahig-skating na kaming mag-ina. at maraming lumang artworks (feeling ko neto lang yun ginawa pero matagal nang di napupunasan. so added years sa artwork ang mga alikabok) at salaming nakasabit sa dingding. tadtad din ang dingding ng dipa-dipang frames na binubuo ng mga lumang retrato ng pamilyang Marty at iyong iba ay ang mga mahahalagang tao na bumisita sa bayang iyon. Meron ding mga lumang class picture. napansin ko, ang papayat talaga ng mga Pinoy kahit noon pa. iba talaga ang built natin.
may mga grad pic din ng mga kamag-anak ni Mayor na ipinanganak once a upon a time at ‘yong mga 10-20 years ago lang. ang ganda ng lahi nila. mestiso talaga. ang prominent sa mga Marty: ilong. matangkad na pabilog ang kanilang ilong.
tapos mga luma ang mga gamit dun sa bahay na ‘yon. ‘yong TV, malaki ang kaha at parang sa stage, naisasara at nabubuksan na parang telon ang takip nito. gumagana pa raw ‘yon sabi ni Ate Mila, isa sa mga nag-asikaso sa amin sa bahay na ‘yon. Gawa sa kapis ang mga bintana. nagkalat din ang mga book shelf na puno ng encyclopedia at libro tungkol sa medicine. pangdoktor. tapos nabasa ko sa isang magazine sa sala na merong tiyuhin si Mayor Marty na doktor na sobrang makabayan. kahit sa US siya naka-base, umuuwi ito taon-taon at me bitbit pang modern medical equipments para sa mga ospital ng Sta. Cruz. nag-oorganize din ito ng medical missions doon tangay-tangay ang mga doktor mula sa US.
‘yung kuwartong tinulugan namin ay charming din. me dalawang medium-sized na kama at isang dressing table sa harap. walang bintanang makikita kasi napapalibutan ng bulaklaking kurtina ang paligid. feeling ko nga sa garden ako natutulog. ay mali, sa pagawaan pala ng kurtina! haahahaha
ang CR ay nasa bandang dining area. surprise ang Cr na ‘yon. parang regalong nakabalot sa diyaryo, pagbukas mo ang ganda-ganda pala! modern sa loob ang CR. me hot and cold shower ganun. matingkad na brown at cream ang tiles. golden ang handle na pangflush…pero sa labas, isang ordinaryong pinto lang ito.
me poso akong nakita sa dirty kitchen nila. poso nasa 2nd floor? weird. pero di ko natanong, baka di gumagana. baka naman display lang.
pahinga lang kami mga 13.4 seconds tapos nagprepare na. naligo.nagbihis at mga 7am that day, kumain na kami with Mayor.tapos hinatid niya kami sa venue.pagdating dun, namangha ako sa laki ng pagdarausan ng lit arts fest. ine-expect ko kasi classroom. 50 bata? puwede sa classroom. pero ang venue na bumati sa amin ay isang malaking ewan ko kung anong tawag dun. kasinlaki ng gym na may bubong at dingding at me tiles ang flooring. tapos me stage sa dulo. ito yung tipo ng lugar na pinagdarausan ng graduation, ganun. wow, kako.
tapos kinakabit pa lang sa telon ang nasa felt paper na WELCOME, Participants and Facilitators! 1st Mayor Luisito E. Marty Literary Arts Fest. August 12,13, 19 and 20. e, andun na ang mga bata. nag-emergency meeting kaming facilitators. hindi puwedeng ganun kalaki ang venue. kahit pa may sound system. ang napagkasunduan namin, hahatiin sa gitna ang venue. hahatiin sa dalawang group ang participants. kaya nagkaroon ng simultaneous na lectures. ayan ang dahilan kung bakit ako paos.
si mar, ang nag-iisang teammate naming lalaki, natulog sa isang kuwarto, mag-isa (ang dami namang isa ng sentence na ito). niloloko nga namin. baka may multo. siyempre lumang bahay ‘yon, ano?