part 2 ng zambales lit arts fest

dahil hinati nga namin sa dalawa ang klase, ang isang lecture bawat araw ay naging dalawa. so sa dalawang araw, naka-apat na beses kaming naglecture. oki lang sana kung classroom setting, pero inay, umaalingawngaw dun sa venue namin. at rinig na rinig ang isa pang lecture sa likod so kelangan talagang lakasan ang boses para marinig kami ng mga bata. mega-sigaw ako. yell dito, shout doon.

sa gabi naman, ayaw patalo ni EJ kaya naka-aircon kaming natulog. good luck na lang sa aming mga boses ano? pero ako lang naman yata ang napaos at super pagod sa group namin.

kumain din kami ng palabok sa palabukan sa tapat ng bahay. champion pa rin ang palabok ng kamuning market!!! sobra kasi ang sauce dun sa palabukan sa tapat ng bahay. lunod na yung noodles kaya di masyadong masarap.

masaya naman ang lectures ko re: poetry. napapatawa ko pa rin ang mga bata. buti na lang. ineexpect ko kasi highly-urbanized ang mga joke ko at baka di nila masakyan. isang blooper: ang himig na nanggagagad. ang ibig sabihin ng nanggagagad ay nanggagaya. sa ingles ito ay ….. tapos sinulat ko P_ _ _ _ Y. sabi ng isang bata, PHOTOCOPY? hahaha hindi kako, hindi! tapos ubod-lakas na sumigaw ang isa, PIRACY!!! ahahaha

ay teka. di n’yo rin alam ang sagot ano? wahahaha….o sige, ipost sa comment ang sagot ng mga may-alam!!!

nung sunday ng umaga, nagpunta kami sa st. michael church na katabi ng aming venue. ang ganda ng facade. mababa lang ito, lumang luma at simple. alam n’yo kasi, ako, kahit na anong luma e maganda para sa akin. ang bago, walang history. panget. walang character. sa akin, nagpapaganda sa anumang bagay ay ang history na napagdaanan nito. pero pagpasok mo sa loob ng simbahang iyon, parang ibang era naman. kasi bagong pintura ang kisame. pero pag tiningnan mo ang tiles, hispanic ulit ang dating. ito rin ang feeling ko nung nakatapak ako sa tiles ng baclayon church sa bohol. nakatungo ako palapit sa altar sa katititig sa tiles. ang ganda. luma nga kasi.

next weekend, babalik ang buo kong team doon para sa workshop at closing ceremonies. mangangarag uli kami sa pagod, hirap (biyahe, lectures, workshops) pero oki lang. napaka-accomodating naman ng aming host at siyempre, ang sarap kaya ng pakiramdam na naibabahagi ang kabang-yaman ng ating panitikan?

hanggang sa muli, ang literary careerist ng ating panahon,

veyvang

Leave a Reply