Hapi-hapi sa Sta. Cruz, Zambales at Sagrada Familia Caves
Para naman ma-reward-an ang aming sarili sa katakot-takot na pressure na naganap sa nakaraang mga linggo, napagdesisyunan naming maghapi-hapi.
Videoke tayo!!!
Sabi ni Kuya Paul, sa isang restaurant na mga 20 na hakbang lang mula sa ancestral
house, may videoke. Kaya that night naghanda kaming lahat. Voice modulation, stage presence and all. Pagdating namin dun, naknampotsa, sarado! Napadpad kami sa di-kalayuang videoke na that time e kaharian ng ilang lalaking teenager na bumibirit nang mga hindi ko masabayang mga kanta (ang tanda ko na kasi).
Actually, hindi siya videoke. Para siyang tindahang may videoke machine. 8pm kami dumating dun. naghintay kaming matapos ang mga bagets saka kami bumirit-birit. Todo-todo si weni kahit paos na. si mar, pa-boys to men ang dating, si rita, ang galing, parang dalagang pilipina ang boses, si jing di yata masyado kumanta. Ako, nagpapa-sexy pa nung una kasi til they take my heart away ang kanta. E nung mataas na di ko na kaya, winasak ko na ang buong kanta. Tutal matagal nang wasak ang mga ear drum ng mga kasama ko sa kakapakinig sa kanya-kanyang boses bwaaahahahaha. Si Kuya Paul, e kumanta ng Ikaw pa rin ni Ted ito. remember that song? Yung may translation sa japanese…ikaw pa rin ang iniibig koooho….
Nagkakasarapan na nung tinanong namin anong oras po kayo nagsasara? 9 sabi nung ale. Huwaaaaaaat? Josme, e , sa Maynila, sineservan pa lang ang unang customer ng videoke by that time. Dito, uwian na? wow, time space warp ngayon din.
Nakakapanibago talaga sa probinsiya. Especially sa Sta. Cruz, Zambales. Tinanong ko nga si Kuya Ken. Bakit po parang walang beerhouse dito? or gimikan? Sabi niya, ayaw ni mayor dito sa bayan. Andun ang mga beerhouse, sa labas ng bayan. Malapit sa sementeryo. Ngiiiiiiiiiiii…oka tokat gumimik.
Natuldukan ang aming mga gabi by 9pm. Kuwentuhan na lang pagdating sa bahay.
Sunday AM. Nagpasama kami kay Kuya Paul sa Sagrada Familia Caves. Kaya lang pinigilan kami ni Mayor. Madulas daw dun ngayon dahil ulan nang ulan. Saka lahat daw ng maaaring sumama sa amin doon bilang guide e hindi puwede (hindi taga-dun si Kuya Paul kaya kailangan pa rin ng guide). Ang usapan, 6am kami punta run. 8am, nagising ang mga utaw. Pero finally at 10am pinayagan na kami ni Mayor dahil out of the blue, me dumating na lalaki. Me kelangan kay Mayor. siya rin pala ang brgy. kaptain ng lugar kung nasaan ang Sagrada Familia caves. Hapi! Larga na kami in 3 tricycles.
Pagdating dun, 600 steps daw ang kelangan namin akyatin. Kaya raw ba namin? Gusto sana naming ipagyabang ang pinagdaanan sa Mt. Ampacao pero zip na lang ang aming mouths.
Madali ang pag-akyat. Unang stop ay viewing deck. Wheeew….kita ang buong bayan ng Sta. Cruz. Ang ganda. Para kang Diyos sa puwestong iyon tapos ine-examine mo ang creation mo. Tapos malapit-lapit ka pa sa ulap. Parang biko ang mga lupa, nahahati ng mga pilapil. Akyat kami uli. Pagdating sa taas, ang dami na naming nakitang kuweba. Isa dun, sa entrance niya, me malalaking bato na parang bolang pinagpatong-patong. Sa tuktok , isang bilog na inukitan ng mukha. Mukha tuloy buddha ang rock formation. Malapit naman sa entrance ng cave, hugis-titi na bato. Napansin agad ni Mar (aha, green minded kasi), phallic symbol o! Nakakita rin kami ng ugat ng puno na parang ahas, nililingkis ang matayog na bato.
Bago pumasok ng cave, nagtanong si Brgy. Kaptain Danilo Merced, me dala kayong flashlight? Tinginan kami. WALA!!! Buti na lang me dalang lighter na me ilaw itong si Rita. Blue nga lang ang ilaw. So nakita naman namin, sa tulong nito, ang mga sikreto ng kuweba. Bluish nga lang ang realidad sa loob. May altar na pinagpapatungan ng pamilya ni Jesus. Dagsa raw ang bumibisita dun pag Holy Week. Sa gilid ng altar, me rock formation na parang banaue rice terraces cutie version. Nakakita na rin ako ng ganun sa sumaging cave sa sagada.
Yung mga gilid ng kuweba, pag natatamaan ng ilaw, kumikislap. parang diamond. Maraming marami at maliliit na diamond. Sa pinakaloob, may isang pabilog na parang kuwarto. Tinitirhan naman ng mga paniki ang kisame. Sayang at na-low bat ang camera ni wenie. Lumipat kami sa isang kuwebang malaki ang bunganga. Dun nakita namin ang rock formation na nakakatuwa. Ito ang mga interpretation na lumabas:
—Parang mga puwit ng elepante
—Parang pugita
—Parang ulo ng kalaban ni Johnny Depp sa Pirates of the Caribbean (pugita nga)—parang matatabang noodles na nagkadagan-dagan sa isa’t isa
Isa pang cave ang inexplore namin kung san nakapulot ng flashlight si Kap (ambait talaga ng God, ano?). Mas malaki ang kuwebang ito kesa sa unang dalawa at me balon pa raw sa dulo. Ayaw na kaming palapitin dun sa dulo dahil madulas. Baka tumuloy-tuloy kami at masalo ni Sadako. Inaaay!
Malapit sa bukana ng cave ay isa pang altar. Mas malapad ito at may krus na puti. Butas din ang pinakabubong nito so parang inuulan ng liwanag ang altar na iyon. Ang ganda!
Sa cave na yun, me rock formation na parang malambot na kurtina sa stage ang shape. Mataas ito. ang ganda-ganda rin. Takot na takot si ej sa kuwebang iyon dahil super dilim. Nakakatakot nga. Pero actually mas nakakatakot sa sumaging kasi palalim iyon. Ito nama’y flat. Puwedeng tirhan ganun. Madilim lang. curious na curious ako sa mga butas na maliliit. Gusto ko sanang pasukin kaya lang mag-isa ako? no way! Meron ding parang maliit na lagusan sa kanan ng altar. Sabi ni Kap, ang ganda diyan pag napasok nyo. Sobra! Sabi namin, tara ho! Ay hindi. Hindi puwede. Delikado diyan ngayon, madulas. sagutin ko pa kayo kay Mayor. Napangiwi kami sa dismaya. E, ba’t pa kaya sinabi? Kotongan ko to e, sa isip-isip ko!
Masaya kaming lahat lalo na nung pababa dahil walang wala sa hirap na naengkuwentro namin sa sumaging at ampakaw ang adventure namin sa Sta. Cruz. Me maliliit na aksidente like si weni, sumabit ang buhok sa mga sanga ng isang puno, hindi namin namalayan. Ang layo na namin sa kanya nung lumingon kami. Dinidis-entangle ni Kap at ng isang kagawad ang buhok niya. so after that, parang sinabunutan si Weni. At si jing, nakatapak ng ginto wahahaha! Pero sulit pa rin dahil maganda rin ang mga rock formation doon.
Kaya ‘yong mga adik diyan, eto ang mga batong dapat n’yong kahumalingan. SAGRADA FAMILIA CAVES. Ibang klaseng high pa ang mararanasan! (ok na tourism slogan ‘to a hahaha)